Itinakda ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) na itatag ang Economic Community sa 2015. Sa pahayag kahapon ng Tagapangulo ng ASEAN pagkatapos ng Ika-23 ASEAN Summit, batay sa pinakahuling pagtasa, natupad na ang 79.9% ng target para maitatag ang Economic Community sa 2015.
Sa isa namang panayam kahapon, tinukoy ni Le Luong Minh, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN, na noong 1990, umabot lamang sa 3.5% ng buong GDP ng ASEAN ang GDP ng apat na bagong miyembrong kinabibilangan ng Biyetnam, Laos, Kambodiya at Myanmar; sa kasalukuyan naman, 12% na ang nasabing proporsyon. Aniya, ipinakikita nitong buong-sikap na pinaliliit ng ASEAN ang agwat ng pag-unlad sa pagitan ng mga miyembro para maitatag ang Economic Community ayon sa iskedyul.
Iminungkahi naman ni Mahathir Mohamad, dating Punong Ministro ng Malaysia, na sa proseso ng pagtatatag ng Economic Community ng ASEAN, dapat kumiling sa mga di-maunlad na miyembro ang mga patakaran at hakbangin na tulad ng pagpapanatili ng ilang taripa, kung hindi, mahihirapan silang makinabang sa integrasyon.
Kung sakaling itatatag ang ASEAN Economic Community sa 2015, ang ASEAN ay magiging isang buong pamillihan at base ng produksyon na may 600 milyong populasyon at kakanselahin ang karamihan sa mga taripang pangkalakalan sa loob ng ASEAN. Idinagdag ni Mahathir na makakabuti ito sa pagpapataas ng episyensiya sa loob ng ASEAN at makakatulong din sa pakikipagkalakalan ng ASEAN sa pamilihang panlabas.
Salin: Jade